MENU

 

Labing-walong (18) itinuturing na persons deprived of liberty o PDLs na nakapiit sa San Jose Antique District Jail ang maaaring makatapos ng kolehiyo sa tulong ng programa ng Department of Science and Technology Regional Office No.6 (DOST-VI) sa pakikipagtulungan sa University of Antique o UA.

Sa ilalim ng programang Community Empowerment thru Science and Technology o CEST, masusuportahan ang mga kinakailangan para sa implementasyon ng mga klase para sa kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship sa UA.

Naganap ang paglulunsad at pagpapakilala ng nasabing programa para sa mga PDLs kasabay ng pagbubukas ng Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) noong 22 ng Agosto 2024 sa probinsya ng Antique.

Ayon kay DOST-VI Regional Director Rowen Gelonga Jr., ang pagbibigay ng mga aralin ay maaaring gawin sa pamamagitan ng virtual meetings o face-to-face. May mga pagkakataon din na ang mga propesor ng UA ang pupunta upang magturo, dagdag pa ni Reg. Dir. Gelonga.

Tiniyak naman ni Dr. Pablo Crespo Jr., ang presidente ng UA, ang tagumpay ng proyektong ito sa tulong ng mga faculty member ng unibersidad.

“Maliban sa pagtuturo, nakahanap din kami ng mga guro na magsisilbing mga life coach ng mga estudyanteng PDLs. Sa katunayan, iminungkahi kong ituring ang programang Education Behind Bars bilang isang maliit na paaralan sa loob ng University of Antique na may research at extension activities,” pagbabahagi ni Dr. Crespo.

Samantala, ang iba pang S&T interventions na mapopondohan sa ilalim ng programang CEST para sa San Jose Antique District Jail ay ang pagsasanay ng mga PDLs, pati na rin ang pagbibigay ng mga angkop na kagamitan sa paggawa ng mga bakery product.

Kasama rin sa matatanggap ng mga PDLs sa nasabing district jail ay ang ceramic water filters para sa malinis na inuming tubig, RxBox para sa mga serbisyong pangkalusugan, at teknikal na pag-aaral tungkol sa Pinggang Pinoy mula sa DOST-Food and Nutrition Research Institute.

Ang programang CEST ng DOST ay naglalayong matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga komunidad sa probinsya, kagaya ng edukasyon, kalusugan, proteksyon sa kapaligiran at likas na yaman, paghahanda sa mga nakaambang sakuna dulot ng bagyo at lindol, at seguridad. Ito ay ipinapatupad ng DOST sa lahat ng rehiyon ng bansa. (Ni Kesha Shua V. Leosala, DOST-STII at impormasyon mula kay Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)