Nasungkit ng pambato ng Carmona National High School na si Jan Patrick B. Gelasan ang titulo bilang kampeon sa 2024 STARBOOKS Whiz Bee na ginanap sa National Youth Science, Technology, and Innovation Festival (NYSTIF) na ipinagdiwang sa Philippine International Convention Center (PICC) noong ika-19 ng Setyembre 2024.
Ang Whiz Bee ang tinaguriang pinakamalaking patimpalak sa siyensya at matematika na sinalihan ng mga Grade 10 students mula sa beneficiary schools ng STARBOOKS sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, at CALABARZON.
Nasa limampung (50) semi-finalists ang nakipagtagisan ng kaalaman at gilas sa pagsagot ng mga katanungan, ngunit limang (5) mag-aaral lamang ang nakapasok sa final round.
Kinabibilangan ito ng kampeon na si Jan Patrick B. Gelasan na sinundan ni Abednego T. Sucgang ng Francisco Barzaga Integrated High School sa ikalawang pwesto; Jana Marianne B. Sena ng Sisters of Mary of Banneux Inc. sa ikatlong pwesto; Stephen Blaize Gabor ng Pasay City National Science High School sa ika-apat na pwesto; at Princess Hannah Benaloga na isa ring pambato ng Carmona NHS sa ika-limang pwesto.
Bilang gantimpala, iginawad sa top five finalists ang mga naglalakihang papremyo gaya ng cellphones, tablets, power banks, coin banks, Enchanted Kingdom passes, at gift certificates.
“Ito ay hindi lamang isang kompetisyon kundi isa ring oportunidad upang hasain at bigyan ng inspirasyon ang susunod na henerasyon upang palakasin ang kanilang kakayahan sa siyensya at teknolohiya,” mensahe ni Department of Science and Technology (DOST) Assistant Secretary for Technology Transfer, Communications, and Commercialization Napoleon K. Juanillo Jr. na siya ring officer-in-charge ng Office of the Director ng DOST- Science and Technology Information Institute (DOST-STII).
Ayon kay Gelasan, nakikipagugnayan ang kanyang grupo sa kanilang coach upang higit na maintindihan ang mga topics na posibleng itanong sa patimpalak. Dagdag pa sa kanilang pagsasanay ang pagsagot ng nakalipas na quiz bees ng STARBOOKS at iba pang mga quizzes na may time limit upang masanay sila sa mabilisang pagsasagot.
“Nakaka-excite at the same time nakakakaba rin ang experience ko dito sa Whiz bee at masasabi ko na nakatutulong sa akin ang patimpalak na ito upang mapalakas ang kumpiyansa ko sa sarili at mas lalong maging bihasa sa pakikisalamuha sa mga social gatherings,” sambit ni Gelasan.
Ang STARBOOK Whiz Bee ay inorganisa ng Science and Technology and Research-based Openly Operated Kiosk (STARBOOKS) Unit ng DOST-STII kasama ang Association of Science and Mathematics Educators of Philippine Private Schools (ASMEPPS), BPI Foundation Inc., FrontLearners, Pagbilao Energy Corp., REVLEV Solutions Incorporated, TeaM Energy Foundation, at Enchanted Kingdom. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)