Lumagda ng isang kasunduan o memorandum of understanding (MOU) ang Department of Science and Technology- Science and Technology Information Institute (DOST-STII), kasama ang mga katuwang nitong institusyon upang palawigin pa ang kasunduan sa pagbibigay ng mga kasanayan sa larangan ng komunikasyong pang-agham.
Sa ilalim ng mandato nitong magsagawa ng pagsasanay sa siyensya, teknolohiya at impormasyon, ang DOST-STII ay nagsasagawa ng mga pagsasanay sa buong bansa sa naturang larangan, sa ilalim ng adbokasiya nitong Science Journo Ako.
Noong ika-29 ng Agosto 2024, nakipag-ugnayan ang Dr. Arcadio Santos National High School sa Parañaque City, Cotta National High School sa Lucena City, Governor Ferrer Memorial Integrated High School sa Cavite, at Ismael Mathay Senior High School sa Quezon City sa DOST-STII upang pormal na lagdaan ang kasunduan sa pagbibigay ng pagsasanay partikular sa science news and feature writing at social media content creation.
“We are grateful, we are thankful, and we are honored na kami po ay muli, naging bahagi [of the partnership]. We are looking for more collaboration and engagement with you to further enhance our teachers in terms of quality of delivery and instructions, and of course to strengthen our Special Program for Journalism”, saad ni Dr. Ferdinand A. Fontillo, ang Principal IV ng Ismael Mathay Sr. High School.
Sa ilalim ng kasunduan, ang apat na paaralan at ang DOST-STII ay bubuo ng mga programa sa pagpapaunlad ng kapasidad sa promosyon ng komunikasyong pang-agham, at adbokasiya nito para sa mga mag-aaral, empleyado, at mga mananaliksik.
Ang mga programa at aktibidad na ito ay maaring maihatid sa pamamagitan ng iba’t-ibang pamamaraan tulad ng mga kurso sa pagsasanay sa personal man o maging sa pamamagitan ng webinar.
“The ability of our students to understand and express their thoughts, insights, and learning on Science, Technology, Engineering and Mathematics or STEM, is very crucial in determining success or failure…As teachers, you have the power to provide your students with the competencies and skills they need”, saad ni Rodolfo P. De Guzman, ang hepe ng Communication Resources and Production Division (CRPD).
“On behalf po of our Principal, Dr. Carmen H. Macatugob, kami po sa Cotta National high School ay taos-pusong nagpapasalamat sa napakahalagang pangyayaring ito sa kasaysayan ng aming paaralan. Kasi po, ngayon lamang po nangyari sa amin na magkaroon ng napakabigating partner. Kaya it-treasure po naming ang moment na ito, rest assured po na kami po, Cotta National High School ay ipagpapatuloy kung ano man po ang ating nasimulan”, dagdag naman ni Sherilyn P. Peñaflor, ang ulong-guro ng Cotta National High School.
Dumalo rin sa programa upang kumatawan sa kanilang paaralan sina Dr. Ramy R. Dalida, ang Principal IV ng Governor Ferrer Memorial Integrated High School, at Dr. Marilou A. De Jesus, Principal IV ng Dr. Arcadio Santos National High.
Bilang bahagi ng programa, ang mga katuwang na paaralan ay inilibot sa pasilidad ng DOST-STII upang ipakilala ang iba’t-ibang produkto at serbisyong inaalok ng ahensya tulad ng STARBOOKS at aklatan ng Information Resources and Production Division (IRAD) at ang DOSTv ng Communication Resources and Production Division (CRPD).
Ang Science Journo Ako team ng DOST-STII, kasama ang mga kinatawan ng Dr. Arcadio Santos National High School, Governor Ferrer Memorial Integrated High School, Cotta National High School at Ismael Mathay Senior High School noong 29 Agosto 2024, matapos ang serimonyal na paglalagda ng kasunduan. (Larawang kuha ni Henry A. De Leon, DOST-STII)