Ang pakikipagtulungan sa mga lokal na industriya at institusyon ay susi upang mapataas ang posibilidad na mapakinabangan ng mas maraming mamamayang Filipino ang mga teknolohiya at pag-aaral na isinasagawa at sinusuportahan ng Department of Science and Technology o DOST.
Isa lamang ito sa naging pokus ng pahayag ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. sa pagbubukas ng selebrasyon ng Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa probinsya ng Antique kamakailan na pinangunahan ng DOST Regional Office No. 6 o DOST-VI.
Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng pagpapalakas ng relasyon sa mga lokal na stakeholder at mga institusyong pang-akademiko upang gawing komersyalisado ang iba’t ibang proyekto at produkto na isinasagawa at sinusuportahan ng DOST para magamit ng mga lokal na komunidad.
“The job of DOST is to really sustain the scientific efforts. Kung anuman ang research mo, kung anuman ang mga products na na-develop mo, for us to sustain the knowledge gain and have it operated at the local level, we really need to work with local players, local government, local academic institutions, and local industry,” ani Sec. Solidum.
Naniniwala siya na may matatag na relasyon ang DOST sa mga state colleges at universities dahil sa pagiging bahagi ng Board of Regents ng SUCs ang mga regional directors at gayundin ang regular na pagbibigay ng pondo ng departamento para sa mga research and development (R&D) projects ng mga ito.
“UA, or the University of Antique, kami ay nagpapasalamat na narito kami ngayon sa kanilang lugar. We can foster a more conscious effort to translate what DOST and the University of Antique propose and to commercialize it,” ani Sec. Solidum.
Kaniya ring iminungkahi na ang pagkakaroon ng pamantayan, pamamahala, at katiyakan ng kalidad ng mga produkto ang magiging daan upang ang mga produkto at serbisyo ng R&D ng ating mga lokal na siyentipiko at mananaliksik ay macommercialized at makilala sa loob at labas ng bansa.
Paglulunsad ng Antique Natural Dye Hubs
Kasabay ng pagbubukas ng 2024 RSTW ay ang paglunsad ng Antique NatDyes Hub. Ito ay isang proyekto na binubuo ng DOST-Philippine Textile Research Institute, DOST- VI, Iguirindon Loom Weavers Association (ILWA), at ang lokal na pamahalaan ng San Remigio sa Antique.
Ang tampok sa hub na ito ay ang pasilidad para sa natural na pagkuha ng tina at pagkukulay ng tela, na magbibigay-buhay sa mga lokal at tradisyonal na pangkulay. Isang paraan ito upang palakasin at mahikayat ang mga manghahabi na lumikha gamit ang mga natural na pangkulay. Sa pamamagitan ng handloom weaving machinery mula sa DOST, mas magiging mataas ang kalidad ng mga produkto, at maisusulong ang lokal na industriya ng paghahabi.
"Ang ating mga programa ay nakaakma upang matugunan ang mga kakayahan at prayoridad ng bawat lokalidad o komunidad na ating pinaglilingkuran. Sa bawat tulong na ating ibinibigay, sa bawat micro, small, at medium enterprise (MSME) na ating sinusuportahan, at bawat komunidad na ating pinalalakas, ito ay hinubog para tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan at mga komunidad," sabi ni Sec. Solidum.
Ang 2024 RSTW sa Western Visayas, ang taunang pagdiriwang upang isulong ang siyensya, teknolohiya, at inobasyon sa probinsya, ay ginanap noong ika-22 hanggang 24 Agosto 2024 sa University of Antique-Sibalom campus. Dito ay tampok ang mga sariling teknolohiya at mga proyektong R&D mula sa mga ahensya ng DOST at iba pang institusyong katuwang sa pagsulong ng green at blue economy ng bansa.(Ni Kesha Shua V. Leosala, DOST-STII at impormasyon mula kay Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)