Mga empleyado ng DOST-STII kasama si Niña Maricheliz Ubalde, panauhing tagapagsalita ng mental health seminar (Litrato mula kay Michael M. Binondo, DOST-STII)
Nakibahagi ang Department of Science and Technology - Science and Technology Information Institute (DOST-STII) sa selebrasyon ng World Mental Health Day sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mental health seminar noong 10 Oktubre 2024 na may temang, “It’s Time to Prioritize Mental Health in the Workplace.”
Ang tema ngayong taon ay ang pagkilala sa kahalagahan ng pagkakaroon ng healthy working environment bilang isang salik na nagpo-protekta ng mental health at ang kaugnayan ng trabaho at mental health na nagtataguyod ng layunin at katatagan sa isang tao.
“Most of us are resilient but hindi nation pwede i-ignore ang mga signs. We have to face the signs and if we cannot address it alone then we have to seek our support system,” ani ni Ma. Kristine B. Reyes, administrative officer ng FAD - Human Resource Section.
Naniniwala ang panauhing tagapagsalita na si Niña Maricheliz Ubalde, isang psychologist mula sa National Center for Mental Health (NCMH) na ang seminar ay isang oportunidad upang maunawaan ang mental health at ang pagpapabuti nito sa workplace.
Nagsimula si Ubalde sa pakikipagkuwentuhan sa mga staff tungkol sa isang litrato at ang pag-ugnay nito sa mental health. Matapos ang talakayan, nagtungo na siya sa pagbibigay ng kahulugan ng mental health, stigma at pagtugon sa mga maling konsepto.
Ibinahagi rin niya ang absenteeism at presenteeism o ang pagiging produktibo ng isang tao, bilang epekto ng mental health sa mga empleyado. Ang ilan sa mga dahilan nito ay ang stress, anxiety, burnout at depresyon na karaniwang mga isyu ng mental health sa workplace.
Ayon sa World Health Organization (WHO) noong 2021, ang mga kondisyon ng mental health ay nagdulot ng pasanin sa ekonomiya ng bansa na umabot sa 68.9 bilyong piso bawat taon. Nakasaad din dito na 96% ng gastos ay mula sa pagkawala ng workforce o kabawasan ng produktibidad.
Sa pagbibigay-prayoridad sa mental health sa workplace, iminungkahi ni Ubalde ang paglikha ng supportive environment para sa mga empleyado tulad ng pagsasaayos ng job designs, pagsasanay at interbensyon para sa mga empleyado, at ang pagkakaroon ng epektibong kaparaanan sa pagresolba ng mga isyu o hindi pagkakaunawaan.
Kaniyang binigyang-diin ang responsibilidad ng bawat indibidwal sa paglikha ng mabuting workplace. Sa pamamagitan ng isang reflection activity, nagkaroon ng awareness check, napag-usapan kung paano makakamit ang work-life balance, pagpapanatili ng relasyon sa mga tao at sa komunidad, at values o prinsipyo sa buhay.
Ipinapaliwanag ni Ubalde kung paano balansehin ang buhay at trabaho sa pamamagitan ng 3 Bs: break, boundaries, at basic routines (Litrato mula kay Ma. Giselle Geraldino, DOST-STII)
Bilang panghuli, ayon kay Ubalde ang paghingi ng tulong ay hindi lamang para sa mga isyung pang-mental health kundi para rin sa paglago ng sarili. Nagbahagi rin siya ng mga mental health resource tulad ng mga hotlines at nag-iwan ng quote ni Noam Shpancer na “mental health is not a destination but a process.”
Ang ilan sa mga STII staff ay nagbigay ng kanilang mga repleksyon sa importansya ng mental health sa isang organisasyon na nagbabahagi ng impormasyong pang-agham at teknolohiya.
“Kung okay yung overall well being mo makakapag function well ka, given na stressful yung nature ng trabaho natin kelangan talagang focus, attention to details, sa mga content na nilalabas natin,...validated ba or reliable yung mga info,” ani Neven Aligan, isang administrative assistant mula sa HR section, sa kahalagahan ng pagiging psychologically stable.
“Majority sa atin ay creatives talaga , ang primary na ginagamit nila is the mind. So, importante yung mental health kasi kailangan ng headspace ‘yung mga tao natin para maka-create sila ng mga engaging, appealing na mga content kasi mahaba ang process. I hope kahit papaano ‘yung seminar natin kanina is doon sa mga nag-raise ng concern nila tungkol sa mga schedules, sana mapag-usapan kahit sa mga units muna natin magsimula,” hikayat ni Precious Gayle Balgua, isa ring administrative officer mula sa HR section.
“Very timely yung talk, not only because it’s World Mental Health Day but also because the most important resource in our organization is its people. It’s important that the employees’ well-being is prioritized and that we continue to combat the stigma surrounding mental health, especially in the workplace. So I really appreciate that STII is making an effort to raise mental health awareness through events like this,” ani Kinessa Denise Chispa, planning officer ng DOST-STII.
Naniniwala naman si Rodolfo P. De Guzman, hepe ng Communication Resource and Production Division ng DOST-STII, na ang susi sa pag-usad ay ang pagtanggap na may panalangin, na magkaroon ng lakas na harapin ang mga pagsubok at maging matagumpay sa buhay.
Sa kabuuan, ang malasakit at pang-unawa ng bawat empleyado ang nagpapahintulot ng isang supportive workplace. Ang pagkakaroon ng kahit konting malasakit at kabutihan sa kapwa ay malaking bagay na. (30) (Ni Kesha Shua V. Leosala, DOST-STII )