Kung meron mang lugar kung saan naipamamalas ng mga kababaihan ang kanilang pagkamalikhain, isa na dito ang kusina.
Kung meron mang lugar kung saan naipamamalas ng mga kababaihan ang kanilang pagkamalikhain, isa na dito ang kusina.
Sa kasagsagan ng ikalawang pandaigdigang digmaan o World War II (WWII), nagkaroon ng kasalatan sa industriya ng pagkain sanhi ng bagsak na ekonomiya. Sa gitna ng unos, nasaksihan ang pagtindig ng mga kababaihang pilipino upang bungkalin ang pag-asa sa gitna ng kasalatan.
Ating kilalanin ang mga makasaysayang inobasyon sa pagkain ng mga Filipinang siyentista na hanggang ngayon ay napakikinabangan at nagsisilbing inspirasyon sa makabagong henerasyon.
Banana ketchup ni Orosa
Saging is everywhere nga naman sa Pilipinas. Isa ang ang saging sa go to miryenda at panghimagas ng mga Pilipino. Bukod sa puwede itong kainin nang sariwa, ay maaari rin itong gawing sawsawan gaya ng suka at ketchup.
Ang banana ketchup ay imbensyon ng isang food technologist at pharmaceutical chemist na si Maria Orosa y Ylagan. Simple lamang ang sangkap–saging na saba, pulang asukal, suka, at pampalasa.
Alam ba ninyo na ang orihinal na kulay ng banana ketchup ay kayumanggi o brown? Ngunit kalaunan ay hinaluan ito ng food coloring na pula upang mas maging kaaya-aya sa paningin ng mga mamimili. Ang banana ketchup ay nagsilbing alternatibo sa imported na tomato ketchup buhat ng kakulangan sa supply ng kamatis noong WWII.
Malaki ang ambag ng banana ketchup sa buong mundo dahil ito ang susi sa signature taste ng manamis-namis na Filipino-style na spaghetti.
Hanggang ngayon ay makikita pa rin sa kainan at tahanang Pilipino ang banana ketchup na ginagamit bilang sawsawan sa mga pritong ulam gaya ng torta, hotdog, itlog, isda, at iba pang pagkain.
Bukod sa banana ketchup, kinilala din si Orosa sa kanyang imbensyon na soyalac (powdered soybean) at palayok oven na nagsisilbing lutuan ng mga kabahayang walang elektrisidad.
Nata ni África
Pansin mo ba ang mga bloke ng jelly sa inyong fruit salad o milk tea? Ito ay ang nata de coco–malaro sa panlasa, manamis-namis, at may pagkakunat ang tekstura.
Kilala rin bilang coconut gel, ang nata de coco ay maipagmamalaking imbensyon noong 1949 ni Teódula Kalaw África, isang chemist mula sa National Coconut Corporation na ngayon ay Philippine Coconut Authority (PCA).
Ang nata de coco ay gawa sa fermented na tubig ng niyog kung saan ang gel ay nabubuo dahil sa microbial cellulose na binubuo ng Komagataeibacter xylinus.
Ang nata ay karaniwang sangkap sa panghimagas at palamig na ginawang alternatibo sa nata de piña, na noo’y naging malimit lamang ang produksyon dahil sa pagbaba ng supply sa piña fibre.
Samantala, maaaring sumangguni para sa kaalaman sa paggawa ng dekalidad na nata gamit ang pangalawang edisyon ng Nata de Coco Production na inilathala ng Technological Services Division ng Department of Science and Technology-Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI).
Coco Canned Milk ni Gonzalez
Noong 1985, nasungkit ng food technologist na si Olympia N. Gonzales ang gintong medalya mula sa World Intellectual Property Organization (WIPO) para sa kanyang dalawang (2) imbensyon na baby foods from local fruit at proseso ng paggawa ng coconut milk at iba pang coco-based products.
Sa katunayan, isa si Gonzales sa labing-apat (14) na Filipinang siyentista na kinilala bilang Outstanding Woman Inventor ng organisasyon. Isa siya sa mga nagpakilala sa bansa ng pagpoproseso ng mga produktong gawa sa buko upang maiwasan ang mabilis na pagkasira at maaari pang i-export sa ibang bansa.
Ang kanyang coconut canned milk na tinawang na Coco Manila ay kayang tumagal ng isang (1) taon, ayon sa website na inventricity.com.
Flavored Salt and Food Seasoning ni Carandang
Noong 2023, nasa pitong (7) porsyento lamang ang ambag ng lokal na produksyon sa kabuuang pangangailangan sa asin ng bansa, ayon sa ulat ng National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI).
Ang mahinang industriya ng lokal na asin ang nagsilbing inspirasyon ni Maricar Carandang ng DOST-ITDI upang gawing makulay ang lokal na asin hindi lamang sa itsura kundi sa panlasa at sustanya.
Sa komposisyon pa lamang ng flavored salt ay sinigurado na ang lasang maka-Pilipino. Ang brine solution ay gawa sa ‘barara’ o asin mula sa tubig-alat, lato o seagrapes, ulo ng hipon (mula sa surplus ng tiger shrimp processing), at shiitake mushroom na pinalalago sa ating bansa. Wala itong halong preservatives, mababa ang sodium content, at karga-karga pa ang ilang minerals na mabuti sa kalusugan.
Sa kasalukuyan ay nakikipagkasundo ang DOST-ITDI sa mga lokal na prodyuser ng asin, mga kompanyang gumagawa ng pampalasa, at culinary experts upang mas mapalawak pa ang produksyon at paggamit ng inobasyon.
Samantala, umani na rin ng ibat-ibang internasyunal na karangalan ang flavored salt gaya ng Gold Award sa 2023 Seoul International Invention Fair at Outstanding Award from Citizen Innovation Singapore. Ipinakilala na rin ito sa International Food Exhibition (IFEX) noong 2019 at 2021, tanda isa na itong maipagmamalaking produktong Pinoy.
(By Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII )