MENU

 

balita nstw 1

Ang official poster ng 2024 National Science, Technology, and Innovation Week tampok ang temang “Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, at Panatag na Kinabukasan at subtheme na “Providing Solutions and Opening Opportunities in the Green Economy” at iba pang mahahalagang detalye ukol sa aktibidad.

Binuksan na at kasalukuyang nagaganap ang pagdaraos ng Department of Science and Technology o DOST ng taunang National Science, Technology, and Innovation Week o NSTW na isa sa pinaka-inaabangang pagdiriwang ng departamento sa City of Golden Friendship, ang Cagayan de Oro City na kilala rin sa bansag na “Gateway to Northern Mindanao.” 

Ngayong taon, naka-angkla ang selebrasyon sa temang “Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, at Panatag na Kinabukasan at subtheme na “Providing Solutions and Opening Opportunities in the Green Economy.” 

Mula ika-27 ng Nobyembre 2024, itinatampok ng naturang pagdiriwang ang iba’t ibang mahahalagang ambag ng siyensiya at teknolohiya sa pambansang kaunlaran sa ilalim ng mga inisyatibo ng DOST sa apat na estratehikong haligi nito: pagtataguyod ng kagalingan ng tao (promotion of human well-being), paglikha ng kayamanan (wealth creation), proteksyon ng kayamanan (wealth protection), at sustenibilidad (sustainability). Magkakaroon din ng pagkilala ng iba’t ibang kontribyutor sa agham, teknolohiya, at inobasyon. 

Humigit-kumulang 33 na forum ang isasagawa sa Luxe Hotel at iba pang kalapit na hotel sa siyudad. Mayroon ding displey ng NuLab: STEM in Motion, kung saan mararanasan ng mga estudyante ang lumilibot na laboratoryo na nagsasagawa ng maiiksing lektyur, pati na rin ang Mobile Modular Food Processing Facility, at ang Mobile Command and Control Vehicle.

Magkakaroon din ng eksibit ng hindi bababa sa 150 teknolohiya at inobasyon na makikita sa Atrium at East Concourse ng Limketkai Center. Tampok dito ang iba’t ibang immersive platforms, 3D prototypes, robotics, sound domes, at marami pang iba na bago sa rehiyon. Mayroon ding mga kumpetisyon ng mga iskolar at startups na magaganap sa Cinema 4 na naturang hall. 

Inaasahang dadaluhan ito ng aabot sa sampung libo (10,000), kabilang na ang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan, startups, mga mambabatas, ehekutibo, mga mag-aaral at ang pangkalahatang publiko. 

Para sa mga interesadong dumalo, maaaring i-download ang NSTW App sa PlayStore (Android) o AppStore (iOS). Dito makikita ang iskedyul ng mga aktibidad at maaari pang makapag-register kung interesadong dumalo

Tatagal ang pagdiriwang hanggang 1 December 2024.

Ang NSTW ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 2214, s. 1982 na nilagdaan ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr. at inamyendahan sa bisa ng Proklamasyon Blg. 780 noong 2019 ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte upang mula Hulyo ay ipagdiwang na ang NSTW turing ikaapat na linggo ng Nobyembre.

Mapapanood rin ang iba’t ibang aktibidad sa Facebook page ng DOST-X. # (Impormasyon mula kay Joshua Robin, DOST-X)

 

#ProvidingSolutionsOpeningOpportunities 

#NSTW2024

#OneDOST4U