Ang bulubundukin sa Luzon ay may mahalagang tungkulin sa malawakang proteksyon laban sa mapaminsalang bagyo. [Larawan ng Cordillera Central (mountain range) mula sa Wikiwand (kaliwa) at Sierra Madre outline mula kay B.A.B. Racoma (kanan)]
Madalas na mabanggit sa mga balita ang katagang #SaveSierraMadre sa tuwing sinasalanta ng bagyo ang Pilipinas, lalong-lalo na ang Luzon.
Ito ay sa kadahilanang ang bulubunduking ito ay nagsisilbing tarangkahan o gateway sa silangang bahagi ng Luzon na siyang pinakamalawak na isla sa Pilipinas. Ito rin ang pinakamahabang bulubundukin sa bansa na nasa 600 kilometro at sumasakop sa sampung (10) probinsya ng Cagayan Valley, Gitnang Luzon, at CALABARZON.
Samantala, Ang Cordillera Central naman ang pinakamataas na bulubundukin sa bansa kung saan matatagpuan ang Mount Pulag na pinakamataas na bundok sa Luzon.
Ang impluwensya ng mga bundok sa klima at panahon ay tinatawag na orographic effect.
Ang Sierra Madre ay may taas na 1,915 meters na kasingtaas ng anim na Eiffel Tower na pinagpatong-patong. Dahil sa elebasyon ay nagagawang ilihis nito ang hangin ng bagyo upang ito ay humina dahilan upang lumamig ang hangin at sumailalim sa kondensasyon.
Natural na Kalasag
Ang teknikal na explanasyon sa paraan ng Sierra Madre at Cordillera Mountain Ranges bilang natural na kalasag o shield laban sa bagyo ay binigyang-linaw sa pag-aaral ni Bagtasa at Racoma na inilimbag sa Philippine Journal of Science (PJS) noong 2023.
Ginamit ng mga mananaliksik ang weather research and forecasting o WRF analysis upang isentro ang obserbasyon sa kakayahan ng Sierra Madre at Cordillera Mountain Ranges na mapahina ang lakas ng ulan o hangin na dala ng 45 na bagyong tumama sa silangan at kanlurang bahagi ng Luzon mula 2000-2020.
Napag-alaman na sa kabila ng presensya ng mga bulubundukin, ang lakas ng tropical cyclone (TC) o bagyo ay hindi gaanong humihina sa unang anim (6) na oras na bumagsak ito sa kalupaan.
Ngunit, mas malakas ng dalawampung porsyento (20%) ang bagyo na umuusbong mula sa lupain sa rehiyon ng West Philippine Sea kung wala ang bulubundukin ng Cordillera.
Ang Sierra Madre naman ay nakaaapekto sa paghina ng bugso ng hangin ng 1-13% at 10-59% paghina ng ulan dala ng bagyo sa Cagayan Valley. Napahina rin nito ang pagbugso ng hangin dala ng mga bagyong dumaan sa Catanduanes at silangang bahagi ng Bicol.
Kung wala ang mga bulubundukin ay tataas sa 30% ang accumulated windfield energy (AWE) o tindi ng hanging dala ng mga bagyo sa buong Luzon na magdudulot ng mas mataas na banta sa buhay at pagkasira ng mga ari-arian.
Sentro ng Saribuhay
Ang kahalagahan ng Sierra Madre ay higit pa sa proteksyon sa bagyo.
Tinagurian ito bilang "ina ng mga bundok" na bumubuo sa humigit-kumulang 40% ng kagubatan sa Pilipinas. Dito naninirahan ang 3,500 uri ng halaman kung saan 58% ay katutubo, gayundin ang daan-daang hayop-gubat, ayon sa ulat ng Climate Change Commission (CCC). Ang mga bulubunduking ito ay nagsisilbi ring tahanan at nagbibigay ng hanapbuhay sa iba’t-ibang katutubo sa Luzon.
Maaliwalas na Klima
Ang 1.4 ektarya ng kagubatan sa bulubundukin ay nagsisilbi rin bilang isang mahalagang carbon sink.
Sinisipsip ng mga puno at halamang-gubat ang carbon dioxide na nagsasaayos ng temperatura at sistema ng panahon na nakatutulong upang maiwasan ang pagbabago sa klima.
Sa kabila ng mahahalagang gampanin ay nahahamak ito ng mga ilegal na aktibidad.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasa 1,400 ektarya ang nababawas sa kagubatan dahil sa ilegal na pagputol ng puno at pag-uuling.
Ilan pa sa nakababahalang panganib ay ang pagmimina, pagpapalit-gamit ng lupa bilang real estate, at pagtatayo ng hydropower plant.
Kaya naman sa bisa ng proklamasyon No. 413, taon-taon ipinagdiriwang ang “Save Sierra Madre Day” tuwing ika-16 ng Setyembre.
Ito ay isang malawakang kampanya na dapat ipagpatuloy hindi lamang ng mga katutubo, non-profit organizations, gobyerno, kundi ang sambayanan upang mabigyan ng pansin ang maayos ng regulasyon at pangangalaga ng naturang bulubundukin. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII Media Services )