Nasa 55 na magaaral mula sa Lipa City Colleges ang lumahok sa pagsasanay na hatid ng Science Journo Ako, noong ika-21 hanggang ika-22 ng Nobyembre ngayong taon sa Lipa City, Batangas.
Ang Science Journo Ako ay isang programang pang-adbokasiya na inisyatibo ng Department of Science and Technology-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) na naglalayong maghatid ng kaalaman sa siyensyang pangkomunikasyon o science communication.
Sa pakikipagtulungan ng The Vision Group of Publications at Learning Resource Center (LRC), ang pagsasanay na ito ay ginanap bilang bahagi ng ika-77 na pagdiriwang ng pagkakatatag ng Lipa City Colleges.
Ang pagsasanay ring ito ay naglalayong hasain ang mga bagong miyembro ng opisyal na pahayagan ng paaralan, kung saan ang mga kalahok ay binubuo ng 17 junior high school, 17 senior high school at 17 mag-aaral mula sa kolehiyo.
Ang mga naturang kalahok ay nabigyan ng pagsasanay sa pagsulat ng balita at lathalain or Science News and Feature Writing, pagkuha ng larawan o Basic Photography and Photojournalism at paglikha ng social media content.
Bilang bahagi ng pagsasanay, ang mga kalahok ay nabigyan rin ng pagkakataong bisitahin ang Magpantay Home Made Candies, Willmar Sweets Food Products, at ARN Embroidery & Sportswearang––mga pasilidad at negosyong natulungan ng DOST sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP, kung saan sila ay tumayong mga mamamahayag at nagsagawa ng panayam.
Ang mga impormasyong nakalap ng mga kalahok sa ginawang panayam ay kanilang ginamit sa pagsulat at paglikha ng iba't-ibang obra. (30)
Ang mga kalahok ng pagsasanay ay nagsagawa ng panayam sa mga may-ari ng Magpantay Home Made Candies, bilang bahagi ng aktibidad ng Science Journo Ako noon ika-22 ng Nobyembre, sa Lipa City Batangas.
Ang Magpantay Home Made Candies ay isa mga benepisyaryo ng programang Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP) ng DOST.
(Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII, Mga Larawan mula kay Levie Rose Ann Miranda, DOST-STII )