Ang mga dumalo sa isinagawang awarding ceremony ng 2024 DOST Gender and Development (GAD) Focal Point Assembly ng Department of Science and Technology noong ika-30 ng Nobyembre 2024 sa Limketkai Center, Cagayan de Oro City. (Larawan mula kay Henry A. de Leon, DOST-STII)
Komitment at dedikasyon sa pag-mainstream ng pagkakapantay-pantay ng anumang kasarian o gender equality, kinilala ng Department of Science and Technology (DOST) sa pagsasagawa nito ng awarding ceremony sa 2024 DOST Gender and Development (GAD) Focal Point Assembly noong ika-30 ng Nobyembre 2024 sa Limketkai Center, Cagayan de Oro City.
Parte ng pagdiriwang ang pagpili ng mga natatanging ahensya base sa apat na entry points ng Gender Mainstreaming Evaluation Framework o GMEF Tool na kinabibilangan ng Policy, People, Enabling Mechanism, at Programs, Activities, and Projects o PAPs.
Sa Regional Office Category, wagi sa unang pwesto ang DOST Regional Office No. 7 na sinusundan ng DOST Regional Office No. 11 at DOST Cordillera Administrative Region para sa ikalawa at ikatlong pwesto.
Para naman sa Attached Agencies Category, nasungkit ng DOST-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration ang unang pwesto na sinundan naman ng DOST-National Academy of Science and Technology para sa ikalawang pwesto at DOST-Science and Technology Information Institute para sa ikatlong pwesto.
Para sa huling kategorya na PSHS Campus Category, nakamit ng PSHS Central Mindanao Campus ang unang pwesto habang magkasunod naman sa ikalawa at ikatlong pwesto ang PSHS SOCCSKSARGEN Region Campus at PSHS Ilocos Region Campus.
Ang mga nagwagi ay nakatanggap ng tropeyo at cash prize na P15,000 para sa unang pwesto, P10,000 para sa ikalawang pwesto, at P5,000 para sa ikatlong pwesto.
Ang selebrasyon ay dinaluhan din ng dalawang panauhing pandangal na sina Emerlita V. Valdeavilla, chairperson ng Philippine Commission on Women at Nenita M. Tan na chief executive officer ng Bestfriend Goodies.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Valdeavilla ang kahalagahan ng patuloy na aksyon para sa gender equality. Kanya ding hinikayat ang lahat na ipagpatuloy ang mga hakbang sa pagpapalakas ng mga kababaihan sa lahat ng sektor kabilang na ang agham at teknolohiya, at binigyang-diin din nya na ang kahusayan ay walang kasarian.
Nagbahagi naman ng kanyang karanasan sa pagnenegosyo si Tan at kanya ring ikinuwento kung paano napalakas ng kanyang negosyo ang mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sustenableng pagkakakitaan mula sa pagbibigay ng pre-processed raw ingredients para sa kanilang mga produkto.
Sa pagkilala sa mga nakamit ng iba’t-ibang ahensya ng DOST at ang kanilang walang sawang komitment sa gender mainstreaming, binigyang-daan ng selebrasyon ang mas inclusive na kinabukasan kung saan ang lahat ay pantay-pantay na nakapagbabahagi tungo sa pag-unlad ng siyensya, teknolohiya, at inobasyon sa bansa. (Ni Carl Miguel A. Lusuegro, DOST-STII)