MENU

A group of people posing for a photoDescription automatically generated

Tumaas ang CiteScore ng Philippine Journal of Science mula 1.2 noong 2023 hanggang 1.3 nitong 2024 base sa Scopus Citation Index.

Nagkamit ng 1,064 bilang ng pagsisipi o citation ang Philippine Journal of Science (PJS), ayon sa ulat ng Scopus.

Ang higit isang libong bilang ng pagsisipi ay nagmula sa walong daang (800) pananaliksik na inilimbag sa PJS mula Mayo hanggang Disyembre ng 2024. Ito ay may kinalaman sa iba’t-ibang sangay ng agham, teknolohiya, at inobasyon na pinag-aralan ng mga Pilipino at mga dayuhang mananaliksik. 

Ang Scopus ay naglilingkod sa komprehesibong pagbabantay ng mga pagsisipi o citation at iba pang metriko ng mga peryodiko gaya ng journal sa iba’t-bang bansa na kabilang sa kanilang direktoryo.

Bilang isang multi-disciplinary journal, ang mga nailimbag na pag-aaral sa PJS ay nakatuon sa samu’t saring isyu at palaisipan dito sa ating bansa, sa Asya, at sa iba pang panig ng mundo, na may hangaring magsulong ng pag-unlad sa kaalaman. 

Ilan sa mahahalagang kontribusyon ng mga inilimbag na pananaliksik ay mga ebidensya at datos na makatutulong sa paggawa at pagpapatibay ng mga batas, rebisyon sa estratihiya at mekanismo sa mga sistema, mga bagong diskubreng species, mga rebolusyonaryong teknolohiya at produkto na makatutulong sa paggamot ng mga panganib na sakit at epidemya, gayon rin ang mga teknolohiya na makatutulong upang tumaas ang kalidad at kita sa negosyo na mabuti rin para sa kalikasan.

Ang mga pananaliksik na isinusumite sa PJS ay sumasailalim sa masusing peer review o ebalwasyon ng mga eksperto base sa kanilang area of research. Ang ebalwasyon ay umaabot ng 2-3 yugto. Dito sinusuri ang kalidad, katumpakan ng mga datos, at kabuluhan ng mga pag-aaral. Maigting din ang kwalipikasyon ng publikasyon pagdating sa plagiarism

Maaring maging rebyuwer ang isang indibidwal sa PJS kung siya ay nakapagtapos ng graduate studies at nakapaglimbag ng sampu o higit pang pananaliksik sa kanyang espesyalisasyon. 

Mainam na reperensiya ang PJS ng mga estudyanteng nagsasagawa ng kanilang thesis dahil maaaring i-download ang mga artikulo nang buo at walang bayad. 

Suportahan natin ang mga Pilipinong eksperto at mananaliksik. Bisitahin ang https://philjournalsci.dost.gov.ph/ na maaaring sanggunian ng datos at impormasyon. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)