Dinaluhan nina DOST-Philippine Nuclear Research Institute Director Dr. Carlo A. Arcilla, DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Maridon O. Sahagun, at Argentine Ambassador to the Philippines Ricardo Luis Bocalandro ang ika-52 Atomic Energy Week (Larawan mula kay Roberto B. Manuel Jr., DOST-STII)
Sa pangunguna ng Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI), pinasinayaan ang pagdiriwang ng ika-52 Atomic Energy Week (AEW) noong ika-9 ng Disyembre 2024 sa Lungsod ng Quezon kung saan itinampok ang larangan ng nuclear science, technology, and innovation (STI).
Ang taunang pagdiriwang na ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng DOST-PNRI na maihatid ang mga benepisyong nuclear sa publiko. Ibinahagi rin dito ang mga pinakabagong tagumpay sa nasabing larangan at mga inobasyong may kaugnayan sa radyasyon na binuo ng mga Pilipinong siyentista at mananaliksik.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. ang paninindigan ng bansa na tumugon sa United Nations Sustainable Development Goals. Isinulong din niya ang kahalagahan ng Nuclear STI sa mga hamon ng lipunan sa iba’t ibang sektor gaya ng kalusugan, kahandaan sa sakuna, polusyon mula sa plastik, agrikultura, at industriya.
Mga aplikasyon at oportunidad sa nuclear S&T
Ibinida sa pagdiriwang na ito ang iba’t ibang aktibidad tulad ng mga teknikal na seksyon at eksibisyon, mga open-house guided tour, at career talk at poster-making contest para sa mga estudyante.
Ngayong taon, ang mga teknikal na eksibisyon ay nagtampok ng mga impormasyon ukol sa radyasyon, interactive na mga aktibidad sa kaligtasan ng radyasyon, at isang PET-CT scan simulation. Kasama rin ang isang presentasyon tungkol sa pag-unlad ng nuclear STI sa mga nagdaang taon, food irradiation, at ang papel ng radyasyon sa pangangalaga ng kalusugan, agrikultura, at kalikasan.
Samantala, tinalakay ng mga eksperto sa nuclear STI sa mga teknikal na sesyon ang iba’t ibang paksa tulad ng heyograpikal na pinagmulan ng Philippine Carabao Mango, pagsusuri ng kalidad ng hangin gamit ang nuclear, mga makabagong inobasyon sa clinical nuclear medicine, at maayos na pamamahala ng nuclear waste.
Panghuli, isinagawa rin sa AEW ang isang career talk para sa mga kabataan upang itaguyod ang iba’t ibang oportunidad sa karera sa nuclear STI gaya ng nuclear engineering, pamamahala ng nuclear waste, at pagsusuri ng radiological impact.
Sama-samang responsibilidad
Kaakibat ng temang "Gen-Atom: Fueling a Nuclear Philippines," layunin ng AEW ngayong taon na hikayatin ang mga kabataan gaya ng Gen-Z sa nasabing larangan habang nananatiling bukas sa lahat ng edad.
“The various contests, career talks, and open-house guided tours featuring nuclear facilities and laboratories are excellent opportunities for our young minds and students to explore and understand nuclear energy’s profound impact on various aspects of our lives,” ani DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Maridon O. Sahagun.
Pinagtibay rin ng DOST-PNRI ang dedikasyon nitong palaguin ang nuclear STI sa pamamagitan ng iba’t ibang inisyatiba gaya ng kauna-unahang International Nuclear Science Olympiad na isinagawa sa bansa. Patunay ito ng dedikasyon ng institusyon sa pagpapalago ng mga susunod na henerasyon ng mga nuclear scientist at engineer.
“Whatever your generation, we can all be Gen-Atom, helping to fuel the country’s national development,” ani Sec. Solidum.(Ni Rudy P. Parel, Jr., DOST-STII)