MENU

Nagsanib-pwersa ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Education (DepEd) upang palakasin ang Science, Technology, Engineering and Mathematics o STEM curriculum at Advance Science Literacy sa bansa.

Ipinahayag ito ng mga kalihim ng ahensya sa seremonya ng pagtatalaga ng mga bagong campus director ng Philippine Science High School (PSHS) System sa Quezon City noong ika- 2 ng Enero 2025.

Nilalaman ng nilagdaang Memorandum of Understanding (MOA) ang apat na taong pagpapaunlad sa STEM curriculum sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga guro, pagbibigay ng scholarships at pagsasagawa ng mentoring sessions, gayundin ang palitan ng impormasyon at pananaliksik.

Base sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na iniharap sa basic education panel noong nakaraang taon, higit sa kalahati ng bilang ng mga guro sa mga pampublikong paaralan na nagtuturo ng science ay walang espesyalisasyon sa paksa.

Inaasahan rin ang direktang pakikipagugnayan ng mga siyentista at mananaliksik sa mga paaralan bilang mga resource speakers o tagapagsanay.

Ito ay isang makabuluhang hakbang sa redevelopment ng kurikulum ng agham at teknolohiya, upang mapahusay pa lalo ang pakikipag-ugnayan at palitan ng kaalaman ng mga mag-aaral at mga mananaliksik,” pahayag ni DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” M. Angara. 

Ayon naman kay DOST Sec. Renato U. Solidum Jr., mahalagang pagtuunan ang pagpapalakas sa sistema ng edukasyon upang mas lalong umangat ang pagpapahalaga ng mga kabataang Pilipino sa kakayahan ng agham, teknolohiya, at inobasyon na iangat ang ating ekonomiya.

Kinikilala rin ng DOST ang pakikipagtulungan ni Angara bilang senador upang magkaroon ng budget para sa pasilidad at kagamitan. Kaya naman, nagpahayag ng suporta ang DOST sa DepEd sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa plataporma at kagamitan sa pagtuturo upang mabigyan ang mga tagapagturo ng pinakabagong impormasyon at pamamaraan para sa STEM.

Tungkulin naman ng Kagawaran ng Edukasyon na tukuyin ang mga kalahok na paaralan at tiyaking naaayon ang partnership sa mga patakaran at pamantayan ng kurikulum nito.

Tinalakay din nina Angara at Solidum ang pagpapalawak ng serbisyo higit sa PSHSS upang lumikha ng mas matibay na pundasyon ng science, technology, and innovation (STI) sa buong bansa. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)