MENU

Ang pagkakaroon ng microplastics sa iba't-ibang kapaligiran tulad ng mga ilog, tubig sa baybayin, at maging sa hangin dulot ng maling pamamahala sa mga basurang plastik ay matagal nang isyu sa bansa at maging sa buong mundo.

Kamakailan lamang, isang grupo ng mga mananaliksik mula sa Mindanao State University (MSU) ang naglathala ng isang pag-aaral na pinamagatang, "Urban Road Deposition of Microplastics in Iligan City", na nailimbag sa Philippine Journal of Science noong 2024. Ang pagaaral na ito ang kauna-unahang pananaliksik sa Pilipinas na nagpatunay na mayroong mga mikroplastik na matatagpuan sa mga pangunahing lansangan sa bansa, partikular na sa siyudad ng Iligan.

Ang isa sa mga may-akda ng pag-aaral na si Jeron Bet B. Tejano ay nagsabi na ang mga mikroplastik sa alikabok sa kalsada ay nagdudulot ng mga potensyal na panganib sa kalusugan, partikular sa mga mahihinang grupo tulad ng mga bata, matatanda, at mga indibidwal na may mga kondisyon sa paghinga.

Since RDMPs (road dust microplastics) can become airborne and be inhaled, they may contribute to respiratory inflammation, lung irritation, and other health complications. Some microplastics also contain toxic additives or can absorb harmful pollutants, further increasing health risks”, saad ni Tejano sa isang panayam.

Idinagdag niya na habang higit pang mga pag-aaral ang kinakailangan upang lubos na maunawaan ang mga pangmatagalang epekto nito, ang pagkakaroon ng mga RDMP sa mga kapaligiran sa lungsod ay isang lumalaking alalahanin na nangangailangan ng agarang pansin.

A group of people standing on a street at night

Description automatically generated

Sa pag-aaral na ito, tinukoy ng mga mananaliksik ang tatlong sampling station sa Barangay Tibanga, Barangay Poblacion, at Barangay Palao, sa Iligan City, Lanao del Norte.

Ayon sa grupo, ang mga istasyon na ito ay pinili base sa mga konsiderasyon gaya ng ito ay malapit sa sentro ng lungsod upang kumatawan sa mga lugar na may mataas na aktibidad ng tao, at ang pagpili ay batay sa densidad ng trapiko, komersyal at tirahan na mga gusali, at ang antas ng paggalaw ng pedestrian.

Base sa pag-aaral, ang alikabok ng kalsada mula sa bawat quadrat ay kinolekta at sinala gamit ang sieving method, na ikinategorya ayon sa laki ng particle.

Ayon kay Tejano, ang proseso ng pagkuha ng datos ay nangangailangan ng mahigpit na kontrol sa kontaminasyon upang matiyak na ang mikroplastik na natukoy ay tunay na mula sa alikabok sa kalsada at hindi nagmula sa iba. 

Lumabas din sa pag-aaral na ang mga uri ng polimer ay halos polyester na nasa 58.3 porsyento; na sinusundan ng ethylene propylene sa 25 porsiyento; ethylene vinyl acetate, sa 8.3% na porsyento; at polyacrylamide, nasa 8.3 porsyento din.

A stack of silos with dirt inside

Description automatically generated

Ayon sa mga mananaliksik, ito ang unang pag-aaral na inilathala sa bansa na nagbibigay ng direktang ebidensya ng microplastics sa alikabok sa kalsada, at ang mga resulta ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mas marami pang pag-aaral sa iba't-ibang lugar sa bansa.

Given the varying levels of urbanization, industrial activity, and traffic density across regions, additional studies would help establish a more comprehensive understanding of RDMP pollution. Expanding research to other cities would also provide valuable data for policy development and mitigation strategies”, saad ni Tejano.

Habang ang pagbabawas ng polusyon sa mikroplastik sa alikabok sa lansangan ay mahirap dahil sa patuloy na pagtaas ng produksyon ng plastik, iminumungkahi naman ng mga mananaliksik na may mga paraan upang mabawasan ang epekto nito.

Sinabi ni Tejano na isang diskarte ay ang pagpapabuti ng mga materyales sa kalsada at gulong upang mabawasan ang microplastic shedding mula sa mga sasakyan. 

Ang pagpapalakas ng mga sistema ng pamamahala ng basura ay maaari ding makatulong na maiwasan ang pagkasira ng mga plastik na basura at maging microplastics. (Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII;Mga larawan mula kay Jeron Bet B. Tejano, may-akda ng pag-aaral)

A couple of people in lab coats and masks

Description automatically generated

Inilalagay ng mga mananaliksik ang road dust sample upang salain gamit ang sieving method at makakuha ng sapat na datos para sa pag-aaral.