MENU

Apat na asosasyon mula sa probinsya ng Batangas na pawang binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, kababaihan, at iba pang marginalisadong grupo ang tumanggap kamakailan ng dalawampung (20) piraso ng mga multi-purpose solar drying o Portasol na nagkakahalaga ng Php 730,000 mula  sa Department of Science and Technology (DOST)-CALABARZON sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office (PSTO)-Batangas.  

Para sa pagpapatuyo ng isda, tinanggap ng Kilusan ng Maliliit na Mangingisda sa Lawa ng Taal sa Mataas na Kahoy ang limang piraso ng Portasol habang tumanggap naman ng tig-anim na piraso ang 

Nagkakaisang Samahan ng mga Kababaihan ng Quizumbing sa Calaca City ang anim na Portasol habang nakatanggap naman ng tig-anim na piraso ang Nagkakaisang Samahan ng mga Kababaihan ng Quizumbing sa Calaca City at Kuyug Sustainable Livelihood Program Association sa Calatagan. Ang natitirang tatlong set ay napunta naman sa Batangas Cacao Growers Association para sa pagpapatuyo ng kakaw.

Ang Portasol ay dinesenyo upang pabilisin ang proseso ng pagpapatuyo, mabawasan ang pagkabulok ng mga pananim, at mapaganda ang kalidad ng produkto at epekto nito sa ekonomiya.

Mayroon itong labindalawang (12) patong-patong at mga nabibitbit na thermal drying tray na kayang magproseso ng aabot sa 150 kilo ng mga ani tulad ng palay, mais, bean, gulay, prutas, at isda kada sesyon ng pagpapatuyo. 

Dahil madali itong dalhin, maaaring magpatuyo ang mga benepisyaryo ng mas maraming ani kahit na sa mga maliliit na espasyo na may limitadong pasilidad ng imbakan. 

Naiiwasan rin ang mga peste at nagkakaroon ng maayos na bentilasyon sa pagitan ng mga tray, na nakatutulong naman para mabawasan ang problema sa amag at pagkabulok. 

Ang naturang teknolohiya na ginawa ng Pilipinong imbentor at negosyanteng si Francisco Pagayon ay ginagamit na sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryong asosasyon sa DOST-CALABARZON at PSTO-Batangas para sa mga Portasol na kanilang natanggap. Ayon sa kanila, tiyak na makatutulong ang mga Portasol upang padaliin ang proseso na kanilang pagpapatuyo at masiguro ang kaligtasan at kalidad ng kanilang mga produkto. 

Ang naturang pamamahagi ng Portasol ay bahagi ng pagsisikap ng DOST na isulong ang sustenableng kabuhayan at mapagbuti ang pang-ekonomiyang kagalingan ng mga lokal na komunidad sa pamamagitang ng agham, teknolohiya, at inobasyon. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII
at impormasyon at larawan mula sa DOST-Batangas)