Isa na namang kapana-panabik na programa sa telebisyon ang matutunghayan ng mga Pilipinong manunuod tuwing Sabado!
Pinamagatang “Science Pinas”, ang programang ito ay inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) noong ika-13 ng Pebrero 2025, na naglalayong ipakita ang kombinasyon ng mga kahanga-hangang tanawin ng bansa at makulay na kaalamang pang-agham, teknolohiya, at inobasyon.
Ang Science Pinas ay pinangungunahan ng mga hosts na sina Mark Wei at Riana Agatha Pangandian.
Ang kakaibang kombinasyon ng agham at turismo ang magiging sentro ng programa. Ito ay naglalayong magbigay-kaalaman sa mga Pilipino habang ipinapakita ang mga makabagong teknolohiya at inobasyon sa ibat-ibang panig ng bansa.
Ang programa ay nagbibigay rin ng bagong perspektibo kung paano nakikita ng mga tao ang agham, sa pamamagitan ng pagsasama ng magagandang tanawin at kaalaman sa agham.
Bawat episode ay nagtatampok kung paano nakatutulong ang mga pagsulong sa agham, mula sa agrikultura hanggang sa pangangalaga ng dagat, upang mapabuti ang mga komunidad at itaguyod ang sustainability.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. ang pangangailangan na matulungan ang bawat Pilipino na makita ang halaga ng agham sa kanilang buhay.
"Sa pamamagitan ng Science Pinas, hindi lang kami nagbabahagi ng mga kwento tungkol sa agham, nag-uudyok kami ng kuryosidad, nag-iinspire ng pagbabago, at binibigyan ang mga manonood ng kapangyarihang makita ang agham bilang kasangkapan para sa mas maliwanag na bukas," aniya.
Samantala, pinangunahan naman nina DOST Assistant Secretary para sa Technology Transfer, Communications, and Commercialization, Napoleon K. Juanillo, Jr., at First Vice President ng Radio Operations ng GMA Network, Inc., Glenn F. Allona, ang paglagda ng partnership sa pagitan ng DOST at GMA Network, Inc. para sa pagpapalabas ng Science Pinas.
Ayon kay Asec. Juanillo, Jr., ang Science Pinas ay hindi lamang magbibigay-kaalaman kundi magpapasaya rin sa mga manonood dahil sa mga magagandang tanawin at “Instagrammable” na mga pasyalan na ipapakita sa programa mula sa iba't ibang rehiyon ng bansa.
“Layunin naming ipakita ang kamangha-manghang trabaho ng mga Filipino scientists at innovators na ipinapakita ang kanilang mga makabagong solusyon na nagpapabuti sa ating pang-araw-araw na buhay, at ang mga kagandahan ng agham sa aksyon—habang tinutuklas ang ganda at pagkakaiba-iba ng ating bansa,” sabi niya.
Dagdag pa, nagpasalamat din si Juanillo sa suporta ng SM Supermalls na kinatawan ni Executive Vice President for Marketing Jonjon L. San Agustin sa pagtulong na i-promote ang programa.
Sa kabilang banda naman, nagpasalamat rin si Allona sa DOST at sinabi na ang partnership sa pagitan ng DOST at GMA sa pamamagitan ng Science Pinas ay nagbigay sa GMA ng isang magandang oportunidad na pag-ibayuhin at palawakin ang kanilang commitment sa public service, pati na rin ang pagbibigay ng higit pang kahulugan at lalim sa Serbisyong Totoo.
“Salamat DOST sa pagtangkilik sa amin. Magsusumikap kami at gagamitin ang aming mga platform sa telebisyon, radyo, at social media upang matiyak na ang impormasyon ay makarating sa publiko – na ang agham ay maaaring nasa kahit saan—nagpapalakas ng mga industriya at nagbabago ng mga komunidad… Welcome to GMA! Maraming salamat!” saad ni Allona sa kanyang mensahe.
Ang labing-tatlong episodes ay magtutuklas ng iba't ibang rehiyon ng Pilipinas, kabilang na ang Niche Centers for Research and Development (NICER program), na kinabibilangan ng Black Garlic R&D Center sa Ilocos Norte, Pili R&D Center sa Albay, Potato R&D Center sa Benguet, Queen Formosa (Pineapple) R&D Center sa Camarines Norte, Tamarind R&D Center sa Pampanga, at Giant Clam R&D Center sa Pangasinan.
Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad ng programa ay ang mga opisyal ng DOST, mga kinatawan mula sa GMA, Commission on Audit, Office of the Solicitor General, SM Supermalls, Kantar Media, BPI Foundation, kinatawan ng Hyundai, mga project leaders ng iba't ibang Niche Centers in the Regions (NICER) para sa R&D, mga pinuno ng mga partner na unibersidad, at iba pang mga empleyado mula sa DOST.
Ang Science Pinas ay mapapanood tuwing Sabado ng alas nuebe (9:00AM) ng umaga sa GTV at Double B TV, simula Pebrero 15, 2025. Ipapalabas din ang programa online sa DOSTv YouTube channel at sabayang ipapalabas sa DZBB 594 kHz Super Radyo. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII)