Sa pangunguna ng Department of Science and Technology 11 o DOST-11, isang pagsasanay ang isinasagawa para sa paggamit ng Davao Region Online Synthesis System o DROSS na isang kagamitang dinisenyo para mapabuti ang prediksyon ng baha at kahandaan sa sakuna.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng DOST-XI sa International Center for Water Hazard and Risk Management (ICHARM) Japan, Hydrology for Environment, Life, and Policy Davao Network, at ng Davao Central College (DCC).
Ang DROSS ay isang sistemang nagkokolekta ng mga datos sa panahon, ilog, at klima sa kasalukuyang oras na nakatutulong sa mga komunidad sa pagpredikta ng baha at makapagplano ng mga angkop at epektibong tugon laban sa sakuna.
Malaki ang maitutulong nito sa mga local disaster risk reduction teams dahil sa pamamagitan ng mga modelong siyentipiko at satellite technology, mas maasahan na ang mga prediksyon ng pagbaha kaysa magbase lamang sa mga nakaraang karanasan.
Sa kanyang mensahe, idiniin ni DOST-11 Regional Director Anthony C. Sales ang kahalagahan ng paglahok ng siyensya sa pagprotekta ng mga komunidad laban sa banta ng mga sakuna tulad ng pagbaha.
“Science allows us to prepare better, respond faster, and reduce damage,” aniya.
Pinangunahan ng mga eksperto sa pamamahala ng sakuna mula sa Japan ang mga dayalogo kung paano mapapabuti ng makabagong teknolohiya ang prediksyon ng baha.
Ipinaliwanag ni Professor Toshio Koike ng ICHARM Japan kung paano ginagamit sa buong mundo ang datos mula sa mga satellite, hydrological simulations, at climate models upang mapabuti ang kahandaan laban sa sakuna.
Ipinakilala niya ang Japanese approach na tinatawag na “River Basin Disaster Resilience and Sustainability by All,” na nagsusulong ng kolaborasyon ng mga ahensya ng gobyerno, mananaliksik, at komunidad sa pamamahala ng pinagmumulan ng tubig at mabawasan ang panganib ng mga sakuna.
Pinag-usapan din sa naturang pagsasanay ang mga pagbaha na naganap sa rehiyon ng Davao kamakailan, kung saan inilahad ng DOST-Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration, Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office, at Department of Environment and Natural Resources XI ang mga datos sa pagbago-bagong pattern ng pag-ulan pati na rin ang mga river system.
Tinalakay rin ng mga eksperto ang mga pananaw sa klima para sa taong 2025 kung saan ipinaalala nila ang pangangailangan para sa localized flood prediction systems upang makapaghanda ang mga komunidad sa matinding panahon.
Upang mapalapit pa ang mga naturang teknolohiya, ibinahagi ni Dr. Della Grace G. Bacaltos ng DCC ang mga estratehiyang maaaring magamit sa pagsasalin ng siyentipikong datos sa malinaw at naaksyunang babala para sa mga lokal na komunidad.
Matapos ang isinagawang pagsasanay, ibabahagi ng DOST-11 at mga partner nito ang DROSS sa ilang lugar sa naturang rehiyon.
Isinasagawa na rin ang mga paghahanda para sa pagpirma ng Memorandum of Understanding, pagkakabit ng mga sistema, at iba pang pagsasanay sa mga stakeholder.
Ang inisyatibang ito ay mahalagang hakbang sa paggamit ng siyensiya at teknolohiya sa pagpapalakas ng kahandaan laban sa sakuna upang maprotektahan ang mga komunidad sa rehiyon ng Davao. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-11 S&T Communications)