MENU

Kasing-sigla ng sikat ng araw ang excitement sa panahon ng tag-init. Sa isip pa lamang ay tila ramdam na ang pagdampi ng alon sa mga paa at paghigop sa malamig na fruit shake habang nagpapahangin sa silong ng puno. 

Sadyang masarap mag-relax at magbakasyon sa mainit na panahon. Ito rin ay magandang pagkakataon upang ikondisyon ang ating katawan upang mas maging aktibo at magkaroon ng healthy lifestyle gamit ang dagdag na kaalaman mula sa siyensiya!

Galaw-galaw sa tag-araw

IT’S TIME para hindi sakit ng likod o stress ang pag-usapan ninyong magkakaibigan o ng iyong mga katrabaho. Ayain mo na silang magbanat ng buto mapa-jogging, walking, o sports man iyan habang mababa pa ang sikat ng araw o ‘di kaya tuwing palubog na ito. 

Mainam ang mga oras na ito dahil kalimitang bumababa ang maalinsangang temperatura at lumalamig ang kapaligiran. Natuklasan sa pag-aaral nina Mahindru (2023) na ang regular na pag-eehersisyo ay may positibong epekto sa mentalidad at nakapagpapagaan ng mood o kalooban sa buong araw.

Sweet flavored drinks, limitahan

Sa panahong mainit ay masarap uminom ng malamig na inumin gaya ng iced coffee o softdrinks. Ngunit ipinapayo na limitahan ang pagkonsumo ng mga flavored drinks dahil ang mga ito ay karaniwang may mataas na caloric content na nagdudulot ng pagtaas ng timbang. 

Alam ba ninyo na ang sabaw ng buko ay tinaguriang “natural sports drink”? Nagtataglay ito ng electrolytes kagaya ng calcium, magnesium, potassium, at sodium na makatutulong upang ma-rehydrate pagkatapos ng ehersisyo

Samantala, ang pag-inom naman ng mainit na green tea ay mainam sa pagpapababa ng init sa ating katawan dahil ito ay nakaka pagpapawis. Bukod dito, natuklasan sa pag-aaral nina Nagao (2007) na nagtataglay ang green tea ng antioxidant na nakatutulong sa pagpapapayat.

Samantala, maaari ring idagdag sa iyong snack pack ang pipino at kamatis na nagtataglay ng 95-96% na tubig at pakwan para sa manamis-namis na panghimagas na nagtataglay ng 92% na tubig.

Tubig is the key nga naman upang maging balanse ang temperatura ng ating katawan at makaiwas sa mga sakit gaya ng heat stroke dala ng mainit na panahon. 

Maaring sundan ang rekomendasyon ng DOST-Food and Nutrition Research Institute o DOST-FNRI para mapanatili ang sapat na hydration o pagpapanatili ng tamang antas ng tubig sa ating katawan batay sa edad.

Sa food prep, maging wais

Mataas ang tiyansa na masira agad ang mga pagkain at maging sanhi ng food poisoning sa panahon ng tag-init lalong-lalo na kung hindi ito naihanda, nailuto, at naimbak nang husto at malinis. 

Upang masigurado ang kalinisan at kaligtasan ng pagkain, sundin ang panuntunang “Clean, Separate, Cook, and Chill” na nakasaad sa 2020 Menu Guide Calendar (MGC) ng DOST-FNRI.

Ang kalinisan ay nag-uumpisa sa ating sarili. Tanggalin ang accessories na nakalagay sa kamay. Ugaliing hugasan ang kamay ng anti-bacterial soap bago at pagkatapos ihanda ang mga pagkain lalo na kung nahawakan ang hindi lutong karne o isda. 

Isama na rin ang paglilinis sa mga kagamitang pang-kusina at istasyon sa pagluluto sa pamamagitan ng pagkuskos ng dumi at pag-disimpekta upang maiwasan ang pagdami ng bacteria

Para naman maiwasan ang cross-contamination, gumamit ng magkahiwalay na chopping boards at iba pang kagamitang pang-kusina para sa hindi luto at lutong pagkain. Kung sa labahan ay pinaghihiwalay ang de-kolor sa puti, dapat ilagay sa magkahiwalay na lalagyan ang hindi lutong pagkain sa nalutong pagkain.

Mahalaga ding bantayan ang tamang temperatura sa pagluluto. Huwag hayaang nakatiwangwang ang pagkain sa loob ng apat na oras upang maiwasan ang temperature danger zone (40 °F to 140 °F o 4 °C to 60 °C). 

Samantala, mahilig ka ba sa “sunny side-up” na luto ng itlog? Mas sigurado ang kaligtasan mula sa sakit dulot ng salmonella bacteria kung ang pula at puti ng itlog ay buo at naluto nang mabuti. 

Ang mga leftovers o tirang pagkain naman ay dapat kainin ng hindi lalampas sa tatlong (3) araw at dapat ipainit nang isang beses lamang upang makaiwas sa sakit na dala ng bacterial contamination

Dala ang mga kaalaman mula sa siyensya, mas sigurado ang kaligtasan, kalusugan, maging ang katipiran upang mas ma-enjoy, hindi lamang ang tag-araw kundi ang susunod pang kapanahunan kasama ng iyong barkada at pamilya. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)

Sanggunian: 

Mahindru, A., Patil, P., & Agrawal, V. (2023). Role of Physical Activity on Mental Health and Well-Being: A Review. Cureus, 15(1), e33475. https://doi.org/10.7759/cureus.33475 

Nagao, T., Hase, T., & Tokimitsu, I. (2007). A green tea extract high in catechins reduces body fat and cardiovascular risks in humans. Obesity (Silver Spring, Md.)15(6), 1473–1483. https://doi.org/10.1038/oby.2007.176