MENU

Ayon sa survey mula sa Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2024 na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST), pitumpu’t isang (71) porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang ang mga programa ng DOST ay nakatutulong sa isang matatag, nagkakaisa, at likas-kayang Pilipinas, habang labing-apat (14) na porsyento ang hindi tiyak at anim (6) na porsyento naman ang hindi sumasang-ayon.

Ipinakita rin ng survey noong huling kwarter ang 184% na pagtaas kumpara sa resulta ng survey noong Hulyo 2024, kung saan 25% lamang ng mga Pilipino ang nakarinig, nakabasa, o nakapanood ng anumang balita o impormasyon tungkol sa agham at teknolohiya sa nakaraang buwan bago isinagawa ang survey.

Ipinakita rin ng survey na 46% ng mga Pilipino ang naniniwalang may positibong epekto ang agham at teknolohiya sa lipunan, 32% ang hindi tiyak, at 14% ang naniniwalang may negatibong epekto.

Mas mataas ang pagpapahalaga sa agham at teknolohiya ng mga kabataang may edad 18-24 (60%) at mga nagtapos sa kolehiyo (62%). Ang mga natuklasang ito ay nagresulta sa net agreement score na +71, na ikinategorya ng SWS bilang "very strong".

Malugod na tinanggap ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. ang mga resulta.

"Ang survey na ito ay patunay sa pagsisikap ng kagawaran na manguna sa pagbibigay ng solusyon at pagbubukas ng oportunidad para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon (STI). Kami ay nananatiling nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman ng publiko sa benepisyo ng S&T at sa kontribusyon nito sa inklusibong pag-unlad," aniya.

Pinagtitibay pa ito ng resulta ng survey na nagsasaad na 88% o halos 9 sa bawat 10 Pilipinong nasa hustong gulang sa buong bansa ay may kamalayan sa DOST, kung saan 62% ang nagpahayag ng kasiyahan sa pagganap ng ahensya, 19% ang hindi tiyak, at 14% ang hindi nasisiyahan. 

Ito naman ay nagresulta sa net satisfaction rating na +47, na ikinategorya bilang "good", tatlong puntos na mas mababa kaysa sa +50 ("very good") na naitala noong Hulyo 2024.

"Pinahahalagahan namin sa DOST ang aming mga tagapagbalita mula sa gobyerno, akademya, at midya na tumutulong sa pagpapalaganap ng mga balita tungkol sa STI sa publiko, lalo na sa panahon ng pambansang krisis sa kalusugan at matitinding sakuna," dagdag ni Solidum.

Sa kanyang 2024 DOST Performance Report, binigyang-diin ni Sec. Solidum ang mga pangunahing inisyatiba ng kagawaran na nakabatay sa apat na estratehikong haligi: kapakanan ng mamamayan, paglikha ng yaman, pagpapatibay ng proteksyon sa yaman, at sustainability.

Kaugnay nito, upang mapabilis ang komersyalisasyon ng pananaliksik at mapalakas ang inobasyon sa agham at teknolohiya, inilunsad naman ng DOST ang PROPEL noong Disyembre 3, 2024. 

Layunin ng programa na suportahan ang mga tagalikha ng teknolohiya sa pamamagitan ng labindalawang (12) serbisyong may kinalaman sa mentorship, pagpopondo, regulasyon, at pandaigdigang merkado. 

Kabilang din dito ang pagtatatag ng DOST-PCCI Technology, Business, and Innovation Hub sa Taguig City upang palakasin ang ugnayan ng agham, teknolohiya, at negosyo para sa pambansang pag-unlad. (Ni Keisha Inano, Colegio de Santa Ana, DOST-STII Intern)