Nais ng Commission on Elections (COMELEC) na tiyakin ang isang ligtas, transparent, at maaasahang midterm election sa Mayo 2025 sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Noong ika-4 ng Marso 2025 sa opisina ng Palacio del Gobernador ng COMELEC sa Intramuros, Maynila, nilagdaan nina COMELEC Chairperson George Erwin M. Garcia, DOST Secretary Renato U. Solidum Jr., at dating DICT Secretary Ivan John E. Uy ang isang tripartite Memorandum of Agreement (MoA) upang makamit ang tinatawag nilang technological, efficient, at credible na proseso sa nalalapit na halalan.
Sa kanyang talumpati, kinilala ni COMELEC Chair Garcia ang mahalagang papel ng DOST sa pagsasagawa ng automated election.
Ipinaliwanag niya na ang DOST ay may pananagutan sa pagsasagawa ng iba’t ibang pagsusuri sa Automated Counting Machines (ACM), kabilang ang stress test, electrical test, at iba pa, upang matiyak na ang mga kagamitan ay maaasahan at nasa maayos na kondisyon.
“Ang DOST ang nagsasagawa ng iba pang pagsusuri sa ating mga makina—mula sa stress test, electrical test, at iba pa—upang matiyak na maayos at maaasahan ang ating mga gamit,” ani Chair Garcia.
Aniya, maging ang mga ballot box ay sumailalim sa pagsusuri ng naturang ahensya, kabilang ang waterproofing test upang matiyak na hindi ito basta-basta mababasa. Sa patnubay ng DOST, nakapili aniya ng pinakamahusay na kagamitan para sa magaganap na halalan.
Naniniwala rin si Chair Garcia na ang batas ay nangangailangan ng international certifying body para sa mga makina. Gayunpaman, napansin nila na ang mga natuklasan ng international certifying body ay kapareho ng sa DOST.
“Ibig sabihin, ang ating sariling institusyon ay maaaring magsagawa ng parehong antas ng sertipikasyon. Kaya’t naniniwala kami na maaari nating isulong ang pagbabago sa batas upang kilalanin ang DOST bilang pangunahing certifying body sa bansa—hindi lamang para sa ating automated election system kundi pati na rin sa iba pang teknolohiyang ginagamit sa rehiyon,” ani Chair Garcia.
Samantala, ibinahagi ni DOST Secretary Solidum na alinsunod sa Republic Act 9369, tinitiyak ng departamento na ang mga Electoral Board Members ay sinanay sa pagpapatakbo ng ACM. Ang proseso ng halalan ngayong taon ay gagamit ng ACM na may mga na-upgrade na tampok, na papalit sa Vote Counting Machines (VCM) na ginamit sa mga nakaraang halalan.
“Habang inaasahan namin ang makabuluhang mga pagpapahusay sa proseso ng pagboto, lalo na sa pagpapakilala ng mga bagong Automated Counting Machines, naghahanda kami para sa mas komprehensibong mga programa sa pagsasanay, pagpapahusay ng aming mga materyales sa sertipikasyon, at mas malapit na koordinasyon sa COMELEC at sa aming mga Regional Offices,” saad ni DOST Secretary Solidum.
Ibinahagi rin ni Secretary Solidum na ang pangunahing gawain ng DOST ay ang pagsertipika sa mga miyembro ng Electoral Board upang matiyak na maaari nilang patakbuhin ang ACM nang may kumpiyansa. Sa pamamagitan ng Electoral Board (EB) Certification Program, tinitiyak ng departamento na kahit isa man lang sa bawat lupon ay may kinakailangang kasanayan.
Sa mga nakaraang halalan, pinakilos ng DOST ang mga rekurso nito upang magsanay at magsertipika ng mga miyembro ng Electoral Board sa buong bansa.
Noong 2016, 182,790 Electoral Board Members ang na-certify, na may 90.7% passing rate. Noong 2019, nasa 171,144 miyembro naman ang na-certify, na may 94.23% passing rate.
Para sa halalan sa 2025, ang DOST ay nagtatag ng isang pool ng higit sa 600 certifiers sa lahat ng 18 rehiyon. Ang mga certifier na ito ay sumailalim sa isang Training of Trainers (TOT) na programa mula ika-4 hanggang 21 ng Pebrero na may karagdagang suporta para sa lokal at overseas voting ng Special Board of Election Inspectors.
Dagdag pa rito, sinabi ni Secretary Solidum na ang papel ng DOST sa 2025 midterm election ay hindi lamang limitado sa local at overseas EB certification.
Bilang isang non-voting special member ng COMELEC Advisory Council, nagbibigay rin ito ng teknikal na payo at nagsusumite ng mga position paper upang mapabuti ang proseso ng halalan.
“Naghahanda rin kami na magtalaga ng mga tauhan sa COMELEC Technical Hubs sa pakikipagtulungan ng DICT,” ani Secretary Solidum. (Impormasyon mula kay Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII)