MENU

Sa Camarines Norte, may natatanging sining na unti-unti muling nabuhay sa bayan ng Labo. Sa pamamagitan ng tiyaga, kaalaman, at tulong ng agham, ang dating patapong bahagi ng halamang pinya ay nagiging telang may mataas na halaga sa lokal at sa ibang bansa.

Ang tela mula sa hibla ng dahon ng pinya o mas kilala bilang piña cloth ay isa sa mga kinikilalang likas na tela sa Pilipinas. Ginagamit ito sa mga pormal na kasuotan tulad ng barong Tagalog at Filipiniana.

Mula sa Halaman Hanggang Habi

Sa ika-4 na bahagi ng programang Science Pinas ng DOSTv na siyang broadcast channel ng Department of Science and Technology o DOST, ipinakita ni Nancy Ramierez ng Labo Progressive Multi-Purpose Cooperative ang proseso ng paggawa ng piña fiber

Gamit lamang ang isang platito, ikinukuskos ang dahon ng pinya upang mailabas ang manipis na hibla. Isa-isa itong hinuhugasan gamit ang tubig na walang kemikal. Kapag malinis na, ito ay tinatahi sa pamamagitan ng makalumang paraan, ang square knot, hanggang sa mabuo ang isang mahabang sinulid.

“Isang buwan bago makabuo ng dalawampung yarda ng tela, kaya mahal ang piña cloth dahil sa oras at hirap na kailangan upang ito ay malikha,” wika niya.

Ang hiblang ito ay saka ihahabi sa tinatawag na shuttle o bangka, gamit ang tradisyunal na habihan. Mula sa himaymay, unti-unting nabubuo ang tela na isang produkto ng pagkamalikhain, sipag, at kasaysayan.

Suporta ng siyensya at pamahalaan

Sa tulong ng DOST-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), isinulong ang Natural Textile Innovation Hub (NTFIH), isang proyekto na nagbibigay ng makabagong pasilidad at kagamitan sa mga komunidad upang mapabilis at mapabuti ang paggawa ng likas na tela. Layunin ng programang ito na hindi lamang pangalagaan ang tradisyon, kundi itaas ang kalidad ng produkto at kita ng mga lokal na gumagawa ng tela.

Telang may puso at kuwento

Ang piña cloth ay hindi lamang materyales para sa pananamit. Isa itong patunay ng kakayahan ng Pilipino na maging kapaki-pakinabang ang kahit simpleng bagay. 

Mula sa mga magsasakang nagtatanim ng pinya, hanggang sa mga gumagawa ng tela nang ilang buwan upang makalikha ng ilang yarda ng tela, bawat isa ay may mahalagang papel sa kuwento ng tagumpay na ito.

Ang telang galing sa Camarines Norte ay larawan ng kultura, likas-yaman, at pagkakaisa. Sa bawat hibla nito ay naroon ang pawis, sipag, at pangarap ng mga Pilipino. (Ni Emmanuel John D. Gilboy, DOST-STII Intern mula sa Emilio Aguinaldo College)