MENU

 

Kasabay ng pagdiriwang ng Typhoon and Flood Awareness Week, inilunsad ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) noong Hunyo 16, 2025 ang pinahusay na interactive platform ng PAGASA National Hydro-Met Observing Network (PANaHON).

Ipinapakita ng PANaHON ang real-time na impormasyon mula sa mga weather stations ng DOST-PAGASA sa buong bansa, kabilang ang datos sa pag-ulan, temperatura, halumigmig, at hangin.

Tampok sa bagong bersyon ng PANaHON ang gridded forecast integration na nagbibigay ng mas detalyado at tiyak na impormasyon tungkol sa pag-ulan, temperatura, hangin, at presyon sa anumang lokasyon. Maaaring ma-access ng publiko ang interactive map sa pamamagitan ng mga clickable grid points, time slider, at location-based search functions.

Bukod dito, pinagsama-sama na rin ang lahat ng rehiyunal na babala sa isang sentralisadong alert system na makikita sa interactive na mapa, gamit ang mga marker na may iba-ibang kulay at may kumpletong impormasyon tungkol sa panganib. 

Sa pamamagitan nito, mas pinadali ang pagkuha ng mahahalagang abiso ukol sa panahon.

Layunin ng mga pagbabagong ito na mas mapalawak ang akses ng publiko sa tumpak na impormasyon ukol sa lagay ng panahon at makasuporta sa lokal na pagpaplano, risk reduction, at disaster preparedness sa buong bansa.

Samantala, ang Typhoon and Flood Awareness Week ay inoobserbahan tuwing ikatlong linggo ng Hunyo, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1535, Series of 2008, na may layuning pataasin ang awareness at itaguyod ang mga proaktibong hakbang sa pagtugon sa mga panganib na dulot ng bagyo at baha. Sa taong ito, ang tema ay nakasentro sa “Kahandaan sa Bagyo at Baha, Solusyon sa Ligtas na Bayan.” (Impormasyon mula sa DOST-PAGASA)