MENU

iHub.png

Ilulunsad ng Department of Science and Technology (DOST)-10 ang isang bagong pasilidad na dinisenyo upang paigtingin ang inobasyon ng mga nagsisimulang negosyante at innovator sa buong rehiyon sa ika-4 ng Agosto 2025.

Ito ay ang Innovation Hub o iHub na isang espesyal na espasyo kung saan maaaring magsama-sama ang mga mag-aaral, propesyonal, mananaliksik, at mga taong may interes sa startup o mga negosyong gumagamit ng information and communication technologies o ICT upang ilako ang kanilang produkto o serbisyo. Dito ay maaari silang mag-brainstorm, magtulungan, at gawing makabuluhang solusyon ang kanilang mga ideya.

Mayroong anim na iHub at ang mga ito ay matatagpuan sa DOST-10 regional office at sa mga Provincial Science and Technology Office na matatgpuan sa Hilagang Mindanao na siyang magsisilbing community-based platform para sa paglinang ng mga ideya at paghahanda sa mga startup.

Dadalo sa pagtitipon sina DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum, Jr., DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang, at DOST-Metals Industry Research and Development Center Director Engr. Robert O. Dizon, na magpapaabot ng suporta ng kagawaran para sa inobasyon sa Hilagang Mindanao.

Ang bawat iHub ay may mga pasilidad katulad ng mga sumusunod:

  • Creative spaces para sa diskusyon ng mga grupo at ideation sessions;
  • Huddle rooms para sa mga pormal na pagpupulong at workshops;
  • Research nooks na may akses sa Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated KioskS o STARBOOKS na digital library-in-a-box ng DOST; at
  • Pantry amenities para sa kaginhawaan ng mga gagamit.

Para makagamit ng iHub, kailangan lamang magpadala ang lahat ng interesado ng mensahe sa Facebook page ng DOST-10 at ipahayag ang nais na petsa at oras ng paggamit. Bukas ang mga iHub mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 NU hanggang 5:00 NH.

Nakikita ng DOST-10 ang pagbubukas ng iHub bilang isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng inobasyong rehiyonal at ng startup ecosystem. Sa pamamagitang ng pag-aalaga sa mga papausbong na ideya at pagbibigay ng access sa network, mentorship, at mga program para sa pagpapalawak ng kakayahan, tinutulungan ng iHUB ang mga bagong entrepreneur na maisakatuparan ang kanilang mga solusyon.

Ang mga startup na mabubuo mula sa mga iHub ay maaaring idulog sa alinmang aktibong technoloy business incubators o TBIs sa rehiyon tulad ng:

  • iDEYA (Mindanao State University-Iligan Institute of Technology);
  • CDOBites (University of Science and Technology of Southern Philippines - Cagayan de Oro);
  • CMU ATBI (Central Mindanao University);
  • Anlag Ta TBI (Bukidnon State University);
  • MSU Naawan ATBI (Mindanao State University at Naawan); at
  • KITA 10 (Department of Agriculture Region 10).

Dito ay magkakaroon pa sila ng dagdag na oportunidad para sa mentorship, pagpapalago ng ideya, at posibleng pondo.

Inaanyayahan ng DOST ang mga kabataan, MSMEs, mananaliksik, at mga institusyon na makibahagi sa mga aktibidad ng iHub at tuklasin kung paanong makatutulong ang agham at teknolohiya sa makabuluhang pagbabago.

Para sa mga interesadong kalahok, maaaring bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng DOST o sundan ang DOST-10 sa social media para sa karagdagang impormasyon at iskedyul. (Impormasyon mula kay Joshua Robin, DOST-10)