MENU

RSTW_CALABARZON.png

Sa darating na ika-14 hanggang 16 ng Agosto 2025, idadaos ng Department of Science and Technology-CALABARZON (DOST-CALABARZON) ang pinakahihintay nitong 2025 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) sa Ynares Events Center sa Antipolo City, Rizal.

Taunang isinasagawa ng mga opisina ng DOST sa mga rehiyon, ang RSTW, na may temang “Building Smart and Sustainable Communities” ngayong taon, ay nagsisilbing plataporma upang ipamalas ang mga tagumpay sa agham, teknolohiya, at inobasyon o STI na nagbibigay-lakas sa mga komunidad at nagsusulong ng pag-unlad sa mga rehiyon. Ang tema ngayong taon ay sumisimbolo sa pangako ng ahensya na maghatid ng matatalino, inklusibo, at sustenableng solusyon sa mga kasalukuyan at lumilitaw na hamon sa CALABARZON.

Sa loob ng tatlong araw, tampok sa 2025 RSTW ang iba’t ibang aktibidad na layong itaguyod ang mga inobasyong makatutulong sa pagbuo ng matatag, maka-teknolohiya, at pangkalikasang sustenableng mga pamayanan sa rehiyon.

Iba’t ibang klase ng produkto ng agham, teknolohiya, at inobasyon ang masasaksihan sa S&T at TIKME Exhibits. Ilulunsad rin ang innovation hub o iHub sa University of Rizal System (URS)-Antipolo Campus, at lalagda ng mga kasunduan sa mga bagong katuwang ng ahensya sa ilalim ng proyektong Regional Design and Creativity Hub for Innovation in MSMEs and Education o RDCHIME.

Bubuksan rin ang 21st Century Learning Classroom o CLEM sa Antipolo City National Science and Technology High School at magkakaroon din ng 3rd Regional Robotics Tournament: RoboClash Finals Round, Smart and Sustainable Communities Conference, AGHAMazing: Natural Dye Painting Forum and Competition, at ng Regional Science and Math Quiz Bee: Kahusayan sa Sipnayan at Agham (KaySipAg)-Finals Round.

May gaganapin ding Awarding at Closing Ceremonies sa Agosto 16, 2025 bilang pagkilala sa mga katuwang at benepisyaryo ng DOST-CALABARZON at upang pormal na tapusin ang tatlong-araw na selebrasyon.

Sa mga nais makibahagi, mangyaring magparehistro sa https://events.dostcentral.ph at manatiling nakatutok sa DOST-CALABARZON Facebook page para sa karagdagang impormasyon at mga abiso. (Impormasyon mula kay Harley G. Margallo ng DOST-CALABARZON)