MENU

A person standing at a podium speaking into a screen

AI-generated content may be incorrect.

Sa kabila ng masungit at pabago-bagong panahon, matagumpay na naisagawa ng Department of Science and Technology - Science and Technology Information Institute (DOST-STII) ang kanilang adbokasiyang Science Journo Ako sa Harrell Horne Integrated School, lungsod ng Bacoor, lalawigan ng Cavite, kamakailan.

Mahigit 100 mag-aaral mula sa Baitang 4 hanggang 12 ng labing-apat (14) na paaralan na kasapi ng Association of Science and Mathematics Educators of Public and Private Schools o ASMEPPS ang lumahok sa nasabing programa. Sa kabila ng ulan at paghamon ng panahon, naging makabuluhan at masigla ang daloy ng aktibidad, na layuning paigtingin ang kakayahan ng mga kabataang Pilipino sa larangan ng pagsusulat at pamamahayag ng komunikasyong pang-agham o Science Communication.

Ang Science Journo Ako ay isang programang pang-edukasyon at adbokasiya na inilunsad ng DOST-STII upang palawakin ang kamalayan at kaalaman ng mga kabataan sa agham sa pamamagitan ng masinop at makapangyarihang pamamahayag. Layunin nitong magbigay dagdag kaalaman at inspirasyon upang sanayin ang mga kabataang manunulat sa pagsulat ng balita at lathalain sa agham, gayundin sa sining ng pagkuha ng larawan pati na ang pagbabalita gamit ang mga litrato, na siyang mahalagang bahagi ng makabagong pamamahayag.

Sa pakikipagtulungan ng ASMEPPS, nabigyan ng plataporma ang mga estudyante upang mas mapaunlad ang kanilang husay sa Science News and Feature writing, gayundin sa Basic Photography and Photojournalism — mga kasanayang may malaking papel sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa agham at teknolohiya sa mas malawak na madla.

Pinangunahan ang pagsasanay ng mga eksperto mula sa DOST-STII, na may malawak na karanasan sa agham, komunikasyon, at pananaliksik. Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni ginoong Rodolfo P. De Guzman, Chief Science Research Specialist ng DOST-STII, ang kahalagahan ng agham sa pang-araw-araw na buhay.

“Hindi namin layuning hikayatin kayong maging ganap na science journalist. Sa halip, nais naming bigyang-lakas kayo—ipakita na kahit ano pa ang larangang kinabibilangan ninyo, maaari kayong makatulong upang gawing mas madali at mas makahulugan ang agham para sa iba. Ang agham ay bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay, at sa pamamagitan ng inyong natatanging kakayahan at interes, makatutulong kayo sa pagbabahagi ng mga kuwentong nagbibigay-kaalaman, inspirasyon, at positibong pagbabago,” ani De Guzman.

Kasama sa mga pangunahing tagapagsalita si Rosemarie C. Señora, science research specialist ng DOST-STII, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng visual storytelling o pagsasalaysay gamit ang larawan:

Ang visual storytelling ay hindi lamang basta pagkuha ng litrato—ito’y tungkol sa paglikha ng mga larawang may kuwento, nakakagising ng damdamin, at nag-iiwan ng tatak. Kinakailangan dito ang kasanayan at pagkamalikhain. Mahalaga ang pagkatuto kung paano gamitin nang wasto ang iyong kamera at kung paano ibahagi ang makapangyarihang mga kuwento sa pamamagitan ng iyong mga larawan. Kaya magpatuloy sa pag-eensayo, sa paggalugad, at sa pagkatuto. Kahit sino ay maaaring maging litratista at photojournalist—anumang propesyon ang piliin mo sa hinaharap, maaari kang magtagumpay sa larangang ito,” ani Señora.

Samantala, binigyang-linaw naman ni Allan Mauro V. Marfal, information officer ng DOST-STII, ang pundasyong dapat itaguyod sa pagsusulat ng mga kuwentong pang-agham: Ang pagsulat ng mga kuwentong pang-agham ay nagsisimula sa paglikha ng isang kapaligirang nakahihikayat, nagpapasiklab ng kuryusidad, nagpapalalim ng pagnanais na matuto, at humihikayat sa kabataang isipan na tuklasin at unawain ang mundo sa pamamagitan ng agham. Ang mahusay na pagkakabuo ng perspektibong siyentipiko ay hindi lamang nagbibigay-kaalaman; binabago rin nito ang paraan ng ating pagtingin sa mga bagay sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mas malalim na kahulugan at mas malaking epekto nito,” ani Marfal.

Bilang bahagi ng programa, binigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ipamalas at isabuhay ang kanilang mga natutunan mula sa isinagawang pagsasanay. Itinalaga sa kanila ang panahon para magsulat ng kanilang sariling mga akda, na pagkatapos ay masusing sinuri ng mga eksperto mula sa DOST-STII. Nagbigay ang mga ito ng mahahalagang puna at mungkahi upang higit pang mapahusay ang kalidad ng kanilang mga isinulat at retratong kinuhanan.

Ang mga sumusunod na paaralan ang kinatawan sa naturang pagsasanay:

  • Bristle Oak Academe (Bacoor, Cavite)
  • Canossa Academy (Lipa, Batangas)
  • Cavite School of Life
  • Grace Baptist Academy of Dasmariñas, Inc.
  • Great Shepherd Christian Academy
  • Herman Harrell Horne Integrated School (Bacoor, Cavite)
  • Immaculate Conception Academy - Plaza Campus
  • Immaculada Concepcion College
  • Marie Osmond School
  • Philippine Christian University
  • Potter’s Heart of Wisdom Academy
  • Rizal Memorial Colleges Inc. (Palayan City Branch)
  • The Shepherd Christian Learning Center
  • University of Perpetual Help (Molino Campus)

Ang matagumpay na pagsasagawa ng Science Journo Ako Advocacy Program sa City of Bacoor ay patunay lamang ng masidhing pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga pribado at pampublikong institusyong pang-edukasyon upang linangin ang interes ng kabataan sa agham, teknolohiya, at komunikasyon—mga haliging mahalaga sa paghubog ng makabago, mapanuri, at responsableng mamamayan. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII )